Saturday, January 29, 2011

FA Wolverine FO2 (QuickieComics.com)

http://quickiecomics.com

Noong 1974 unang nasilayan ang bangis ni Wolverine nang lumabas siya sa teaser panel ng huling pahina ng The Incredible Hulk #180 at sa mismong front cover ng kasunod na isyu nitong #181.





Mula sa kuwento ni Len Wein, drowing ni Herb Trimpe, at costume na dilaw at asul na disenyo ni John Romita, binigyang-buhay noong 2006 ng Toy Biz ang first appearance ng karakter sa Face-Off Series 2 ng toyline nitong Marvel Legends. Katambal ang mortal na kaaway niyang si Sabretooth, may taas na 5-1/2" ang Wolverine na ito at may 36 na punto ng artikulasyon.



May lumabas ding variant ang figure na ang tanging pinagkaiba ay ang nakabukang bibig na tila sumisigaw.



Orihinal ang sculpt ng fig at walang moldeng ni-recycle mula sa mga nakaraang MLs na ginawa ng TB. May konting sablay nga lang sa pagkakapintura dahil halata ang ipinatong na dilaw sa mga hita't binti nitong hinulma sa asul na plastik.



Sa kabila nito, malinis ang pagkakalagay ng mga balahibo sa magkabilang braso, tigtatatlong balbas sa mala-pusang mukha, at tiger stripes sa katawan. Gayundin, disente ang diskarte sa itim na maskarang nakapaikot sa nakakunot na noo hanggang sa likod ng ulo. Gaya ng iba pang bersiyon ni Wolverine, ang hirap idiretso ng tatlong pangalmot nito sa magkabilang kamay na ayaw umalis sa pagkakilo. Tulad ng ibang FO, may pasunod na base, stand, at cardboard diorama ang laruang ito. \|/



Trivia: Ang orihinal na mungkahi hinggil sa pinagmulan ni Wolverine ay ang mismong hayop na katukayo nito--isang wolverine na nag-mutate sa halip na isang tunay na tao. http://quickiecomics.com

No comments:

Post a Comment

Trip o dehins?