Saturday, January 29, 2011

Transformers: The Ultimate Guide



Author: Simon Furman
Publisher: Dorling Kindersley Publishing, Inc.
First printing: 2004
Language: English
Page count: 144

Tulad ng iba pang aklat na lumabas sa seryeng Ultimate Guide ng DK, nagsisilbing gabay ang librong ito sa masalimuot na mundo ng Transformers. Kung detalyado at mala-ensiklopedya ang trato ng ibang UGs sa kanilang karakter/paksa, masasabi namang pahapyaw ang banat nito sa TF universe at pawang mga batayang impormasyon lamang ang ibinigay--na karamihan ay base sa makabagong comics continuity ng Dreamwave (kung saan sumikat si Furman) sa halip na sa cartoon continuity ng Sunbow na ipinalabas sa TV noong '80s, na siya ring inilathala ng Marvel.





Dahil sa retcon na ginawa ni Furman, lumalabas tuloy na ang balidong kasaysayan ng TF ay ang sa DW na pumutok lamang noong 2002 at hindi ang sa orihinal na Generation 1 na nagsimula pa noong 1984. Ang pinakalantad na rebisyon sa timeline ni Furman ay hinggil sa pinagmulan ng Dinobots kung saan ibinasura ang episode sa G1 na nagpakita na si Wheeljack ang lumikha sa kanila sa Earth mula sa fossils ng mga dinosauro, at hindi sila talaga galing sa Cybertron ni taal na TF ayon sa DW.





Di pa nasiyahan sa Dinobots, binaluktot din ni Furman ang mismong pinagmulan ng mga TF at pinalabas na nilikha sila ng mala-diyos na planetang si Primus bilang pantapat sa eternong kaaway nitong si Unicron. Taliwas ito sa naganap sa G1 kung saan nilikha sila bilang alipin ng alien race na Quintessons sa kanilang pabrika sa Cybertron 12 milyong taon na ang nakalipas. Bagamat maraming binago si Furman sa TF continuity, masasabi rin namang siya ang nagpatingkad ng kronolohiya nito sa paghahabi niya ng creation myth na may pagka-pseudo-relihiyoso.





Sa kabuuan, mahahati ang aklat sa dalawang bahagi: old school at new school. Kung naging tagasubaybay ka ng TF mula '80s hanggang kalagitnaan ng '90s (tulad ko), tiyak na maeengganyo kang basahin ang mga entrada tungkol sa G1 at G2--Optimus Prime at Autobots, Megatron at Decepticons, Combiners, Special Teams, Marvel US/UK Comics, TV Seasons 1-4, at TF Vs. G.I. Joe. Samantala, kung ang kinamulatan mo namang cartoons ay computer-generated na, malamang mas trip mo ang mga kabanata tungkol sa Maximals, Predacons, Beast Wars, Beast Machines, Robots In Disguise, Mini-Cons, Armada, at Energon.





Bukod sa palabas sa telebisyon at lumabas na mga komiks, binigyang-pansin din ng aklat ang mga laruang TF. Bagamat may kaiklian, maganda ang pagbabalik-tanaw nito sa naging umpisa ng toyline mula sa pre-TF na Microman "Micro Change" at Diaclone "Car-Robots" ng Takara-Japan noong '70s hanggang sa maging pag-aari ito ng Hasbro-US mula 1984 hanggang sa kasalukuyan.





Sa kabila ng lantarang pahayag sa likod ng libro na ito ang "first fully authoritative history" at ang "one true history" sa introduksiyon, malayo ito sa pagiging "ultimate guide" ng TF dahil na rin sa kakulangan ng ilang mahahalagang datos (partikular sa G1) at pagbibigay ng maling-diin sa maraming karakter na wala namang kabuluhan (nasaan na si Hot Rod/Rodimus Prime?).



Noong 2007, bilang pampagana sa kauna-unahang TF live-action CG film, lumabas ang pangalawang edisyon ng aklat na may 152 pahina. Bukod sa idinagdag na Classics at Alternators/Binaltech toyline, isinama rin dito ang mga komiks na nailathala ng IDW mula nang mawala sa eksena ang DW.

4 comments:

  1. Mabuhay ang Transformers kaso ang mahal ng mga laruan nila :D

    ReplyDelete
  2. manong calbo, tama ka diyan ser--masakit sa credit card at bulsa hahaha :)

    ReplyDelete
  3. i agree with your review on this book. it is still my dream to finally see a TF book that can really be called an ultimate guide. this is not that book. i want to see a TF book that is like the Marvel Universe etc etc, which has an entry on all the major, and sometimes even obscure, characters in the series.

    keep up the good work bro.

    ReplyDelete
  4. same sentiments, bro sandler/ka-PTK. guess we'll have to keep our fingers crossed hehehe :(

    ReplyDelete

Trip o dehins?