Tuesday, March 29, 2011

Planeta ng mga Symbiotes (QuickieComics.com)

http://quickiecomics.com

Bago ang lahat, ako nga pala si Peter "Punker", kilala rin bilang si Spider-"punk"--ang 4-1/4" alter ego ng isa sa pinakasikat na karakter sa unibersong Marvel. Kung si Spider-man ay kinagat ng gagamba, sinamang-palad naman akong malunok ito kaya't nagmukha tuloy akong anime, at binansagang Manga Spidey! Kahit paano, pinagkalooban ako ng 16 na punto ng artikulasyon ng ToyBiz noong 2003 (SMC5). Sa kabila ng mga di-proporsiyong parte ng katawan (super-deformed), may pasunod sa aking dingding na pwede kong taas-babang akyatin.







Itim at puti, two-tone: ito ang basikong itsura ng "living costume" na gawa ng alien symbiote. Lumabas noong 2004 sa Series 9 ng linyang Spider-Man Classic[s] ng TB bilang reissue ng orihinal na SMC1 (2001), ang 6" Black Spidey na ito ay may 40 dugtungan sa katawan at may kasamang pulang glider na may firing missile! Ang moldeng ito ang siya ring nagsilbing katawan ni Daredevil.







Bagama't naglalaro sa bughaw at itim ang kasuotan, ang 2002 Venom (SMC4) ay may taas na 6-3/4" at hinalaw sa hulmang disenyo ng Art Asylum para kay Lasher (1997) sa "Planet of the Symbiotes", kaya't di nakapagtatakang limitado ang artikulasyon nito sa 18. Sa kabila nito, bumawi ang TB sa paggawa ng astig na symbiote base (taas) na maraming galamay at pwedeng lagyan ng berdeng slime sa bumbunan pababa sa bibig nito--animo'y isang malaking palakang naglalaway!







Bukod sa nakuhang lahat ang katangian ni Spidey, hindi rin kayang tiktikan ng "spider sense" si Venom at para itong hunyangong nakapagkukubli sa kanyang paligid. Ginawa noong 2006 (SMC16), ang 7" Venom sa taas ay may 36 na points of articulation at dilang pagkahaba-haba. Kahit di naikikilos ang ulong gawa sa goma (rubber-faced), may buton ito sa likod na bahagyang nagpapagalaw sa kanyang panga't baba. Maskulado ang pagkakaukit ng figure at buhay na buhay ang mga ugat at kalamnan--walang panama rito ang Sabretooth-repaint Venom ng ML Sinister Six boxset noong 2004! Dahil sa ganda ng sculpt, may ni-release ding "stealth" (clear version) ang TB sa SMC18.







Kasama sa unang bugso ng SMC noong 2001, ang Venom na ito ay may tangkad na 7-1/2" at nasa pormang "mid-transformation" mula tao patungo sa pagiging symbiote. Kapansin-pansin dito ang mala-bibeng mukha (duck-faced), ang mahahabang daliri sa kanang kamay, at ang tila alkitrang unti-unting bumabalot sa kaliwang binti nito. Datapwa't limitado sa 18 punto ng artikulasyon, mahusay ang pagkakalilok nito na maihahalintulad sa estatwang kolektibol (stat). May sarili rin itong base na nagpapakita ng isang nakatumba't nasasaputang Guardsman.







Ito ang kasalukuyang itsura ni Venom matapos mapasalin kay Scorpion (MacDonald "Mac" Gargan) ang itim na alien symbiote ni Brock. Tulad ng tradisyon, nakikipagpaligsahan ang 7" fig na ito sa pahabaan ng dila. Gawa ng Hasbro noong 2008 at binubuo ng 34 na dugtungan, kakaiba ito sa mga nakaraang bersiyon ni Venom dahil ito lamang ang may balls--eyeballs (na kulay pula)! Bukod-tangi rin ang detalyadong detachable stinger nito sa likod na may habang 7-1/2" at tila ba itinulad sa totoong buntot ng isang alakdan.







Mula sa pagiging itim ay naging pula ang dominanteng kulay ng symbiote, salamat kay Carnage. Ginawa ng TB noong 2006 bilang reissue sa SMC Villain Series, tumitindig ito ng 6-1/4" at may 40 joints sa katawan. Lumabas din sa Fearsome Foes boxset (2005) ng Marvel Legends, naiiba ang porma ni Carnage sa ibang symbiote dahil siya lamang ang walang dila, ni prominenteng mga ngipin! Sinamahan ng TB ng collapsible base ang pigurang ito.







Si Toxin (Patrick Mulligan) ang pangatlong symbiote at ang kauna-unahang naging kaalyado ni Spider-Man sa pakikipaglaban kina Venom, Carnage, atbp.--dala na rin siguro ng pagiging pulis ng host nito. Umaabot sa 6 na pulgada at may 29 na punto ng artikulasyon, lumabas ang spawn na ito ni Carnage noong 2006 sa ika-19 at huling serye ng SMC.

http://quickiecomics.com

4 comments:

  1. Ayos yung mga pic! Thumbs up bro!

    Naalala ko yung mga marvel trading cards na umuso nung GS ako. Na-miss ko yung mga yun.

    ReplyDelete
  2. Nice dude! Ganda Photos ganda pa ng kwento..

    ReplyDelete
  3. Astig na artikulo't mga larawan! Kahanga-hanga ka Peter Punker!

    ReplyDelete
  4. salamat sa muling pagtambay rito mga ka-blogger! manong calbo bro, yup, nakaka-miss nga yung mga teks dati hehehe. jedi_randy, 'yaan mo pre makakarating kay peter punker--may the force be with you :)

    ReplyDelete

Trip o dehins?