Monday, March 14, 2011

Star Wars: The Ultimate Visual Guide



Author: Ryder Windham
Publisher: Dorling Kindersley Publishing, Inc.
First printing: 2005
Language: English
Page count: 144

1977: Dalawang pangyayari ang mag-iiwan ng malalim na impluwensiya sa pandaigdigang kultura at magdudulot ng maraming pagbabago sa dalawang industriya--(1) ang punk rock sa larangan ng musika at (2) ang Star Wars sa paggawa ng pelikula. Inilimbag kasabay ng paglabas sa sinehan ng huling yugto ng SW, ang aklat na ito ay tumatalakay sa kronolohiya (continuity) ng SW ayon sa anim na episodyong pelikula at sa mga naisulat na kuwento sa komiks ukol dito. Historikal ang pag-atake sa paksa kaya't mas binigyang-diin ng libro ang mga kaganapan kaysa mga pangunahing karakter, behikulo, armas, atbp. na siyang nakagawian na. Kung gaano kahitik sa makukulay na larawan at drowing ang kompilasyon, matipid naman sa salita at direkta sa punto ang banat sa mga datos at deskripsiyon nito.



Kung merong B.C. at A.D. ang istorya ng tao sa mundo, mayroon namang B.B.Y. (Before--) at A.B.Y. (After the Battle of Yavin) ang kasaysayan ng mga aliens sa SW universe. Sa pagitan ng 32 BBY at 4 ABY naganap ang mga pinakaimportanteng tagpo na naisapelikula bilang Episodes I-VI.



Lightsabers, deflector/ energy shields, hyperspace travel, anti-gravity devices, repulsorlift vehicles, tractor beams, holoprojectors, blasters, at droids--ito ay ilan lamang sa mga teknolohiyang kathang-isip nguni't kapani-paniwala sa agham ng SW (na di-malayong mangyari sa madaling hinaharap).



Sa pula, sa puti; magkabilaan ang mundo at gayundin sa daigdig ng SW--may mabuti at masama. May Jedi Order at may Sith Lords (Dark Jedi). Magkaibang paniniwala nguni't parehong nananalig sa kapangyarihan at gamit ng di-nakikitang Force (midichlorians) at sableng-liwanag sa pakikipagtunggali.



Dalawahan din ang training, mapa-Jedi man o Sith. May titser at estudyante. May master (tutor) at may apprentice (padawan). Si Qui-Gon Jinn, may Obi-Wan Kenobi--gaya ni Darth Sidious na may Darth Maul. Balang araw, ang mag-aaral ay magiging guro rin--kukuha ng baguhang tuturuan sa espadahan at pagpapasahan ng lihim na karunungan.



Tulad ng United Nations ng mga bansa sa sangkalupaan, may Galactic Republic naman ang mga planeta sa kalawakan. Kung may Security Council ang UN, may Galactic Senate at Jedi High Council ang SW. Katumbas ng Secretary General sa UN ang Supreme Chancellor sa SW.



Episode I: The Phantom Menace--maihahalintulad sa mga monopolyong kapitalistang MNCs (multinational companies) ang Trade Federation ni Viceroy Nute Gunray na kukubkob sa Naboo sa pamamagitan ng droid army, bunsod ng misteryosong Sith master na si Darth Sidious. Sa tulong ng dalawang Jedi na sina Qui-Gon Jinn at Obi-Wan Kenobi, mapapalaya ang planeta, ang reyna nitong si Queen Padme Amidala, at ang mga katutubong Gungans na nakatira rito. Madidiskubre ni Qui-Gon sa disyertong planeta ng Tatooine ang batang alipin at mangangarera na si Anakin Skywalker--ang sinasabing "chosen one" na magdadala ng balanse sa Force. Mahahalal bilang Supreme Chancellor si Senator Palpatine ng Naboo sa planetang siyudad ng Coruscant at mapapatay ng Sith apprentice na si Darth Maul si Qui-Gon, samantalang mapapatay naman ito ni Obi-Wan. Kukupkupin bilang apprentice ni Obi-Wan si Anakin tulad ng naipangako niya sa nasirang guro sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng master Jedi na si Yoda.



Episode II: Attack of the Clones--gaya ng ilang sesesyonistang Muslim sa Pinas, papanig sa Confederacy of Independent Systems ni Count Dooku at titiwalag sa republika ang mga samahan ng Trade Federation, InterGalactic Banking Clan, Commerce Guild, at Techno Union. Tulad noong martial law, gagawaran ng emergency powers si Palpatine upang maging diktador at sugpuin ang namumuong insurgency. Tatapatan ang hukbong droid ng mga insureksiyonista at bubuo ng clone army ang republika sa mabagyong planeta ng Kamino sa tulong ng bayarang mersenaryong si Jango Fett, bagama't mapapatay ito sa huli. Dahil sa isang pangitain, babalik sa Tatooine si Anakin upang iligtas ang nagdurusang ina. Huli na ang lahat kaya't ipaghihiganti ang pumanaw na inang si Shmi at pupuksain ang isang tribo ng Tusken Raiders na may sanhi nito--babae, bata't matanda. Lulusubin ng mga Jedi ang taguan ni Dooku (kilala rin bilang si Darth Tyranus) sa planetang Geonosis subali't makakatakas ito papunta sa kanyang Sith master sa Coruscant, matapos putulan ng kamay si Skywalker. Bagama't apprentice ni Obi-Wan, lalabag sa kodigong Jedi si Anakin at lihim na magpapakasal kay Padme na napaibig sa kanya.



Episode III: Revenge of the Sith--kunway dinukot si Palpatine kaya't ililigtas siya nina Obi-Wan at Anakin mula sa kamay ni General Grievous, kung saan mapapatay ni Skywalker si Dooku. Samantala'y matutunton ni Obi-Wan at mapapatay rin ang nakatakas na si Grievous sa planetang Utapau. Mapagtatanto ng Jedi Council ang dilim na lumulukob sa katauhan ni Palpatine at aatasan si Anakin na tiktikan ito. Habang nanonood ng palabas sa Galaxies Opera House, ipagtatapat ni Palpatine kay Skywalker ang trahedya ni Darth Plagueis na may kapangyarihang bumuhay ng patay. Dahil bigo siyang iligtas ang kanyang sariling ina at madalas niyang mapanaginipan ang natatakdang pagkamatay ng asawang si Padme sa panganganak, maeengganyo si Anakin sa lakas ng dark side. Nang aarestuhin na ng Jedi master na si Mace Windu si Palpatine, babaligtad ng panig si Skywalker--sanhi upang mapatay si Windu ni Darth Sidious na walang iba kundi ang chancellor! Sa ginawang ito ni Anakin, papangalanan siyang Darth Vader ni Sidious at kukuhaning tagasunod. Tulad ng pagmasaker niya sa isang tribo ng taong-buhangin sa Tatooine, uubusin ni Vader ang mga mag-aaral sa Jedi Temple at walang ititirang buhay. Kasabay nito, ibababa ni Palpatine ang Order 66 na nag-uutos patayin ang lahat ng Jedi na diumano'y nagtaksil sa republika. Magtutungo si Anakin sa mabulkang planeta ng Mustafar upang lipulin ang mga separatistang ang may gawa rin ay si Sidious. Magduduwelo sina Obi-Wan at Skywalker, datapwa't matatalo ang huli't mapuputulan ng isang braso't mga binti. Sasagipin ni Palpatine ang naghihingalong si Anakin at bibigyan ng bagong buhay sa bakal na katawan. Samantala, tulad ng hula, mamamatay si Padme sa pagluluwal ng kambal nilang anak--lingid sa kaalaman ni Vader. Mula noon, ang republika ay kikilalanin na bilang Galactic Empire, at si Palpatine, bilang Emperor. May mangilan-ngilang Jedi ang matitira at mas pipiliing magtago muna gaya nina Obi-Wan at Yoda.



Episode IV: A New Hope--mula dekada '90-'00, flashback sa dekada '70-'80. Dadakpin ni Darth Vader si Princess Leia Organa at pilit ipapaamin ang lokasyon ng base ng Rebel Alliance. Mapapadpad sa Tatooine ang droids na sina C3PO at R2D2 dala ang sikretong plano ng bagong armas ng imperyo--ang Death Star. Magkukrus ang landas ng ermitanyong si Obi-Wan at magsasakang si Luke Skywalker matapos patayin ng Imperial stormtroopers ang itinuturing na mga magulang ng huli. Magsisimula ang Jedi training ni Luke sa ilalim ni Obi-Wan. Kasama ang dalawang droids at sa tulong ng piratang si Han Solo at alalay nitong si Chewbacca, maglalayag sila mula sa spaceport ng Mos Eisley patungong Alderaan--kung saan ay wala na silang aabutan sa pinasabog na planeta. Sa loob ng Death Star ay maililigtas nila si Leia at magkukrus ng espada sina Vader at Obi-Wan sa huling pagkakataon, kung saan mananaig ang una. Makakapuslit ang mga rebelde sa base sa buwan ng planetang Yavin nguni't matitiktikan ito ng imperyo. Mapapasabog ni Luke ang Death Star sa tulong ng boses ni Obi-Wan at sa napapanahong pagsaklolo ni Han Solo. Mapapadpad sa planetang Mimban sina Luke at Leia at muling makakasagupa si Vader, kung saan ay mapuputulan muli ng braso ang huli.



Episode V: The Empire Strikes Back--mula Yavin 4 ay lumipat ng base ang mga rebelde sa nagyeyelong planeta ng Hoth. Tulad ng inaasahan, matutunton ng imperyo ang lugar at muli silang lulusubin nito. Pupunta si Luke sa masukal na latiang planeta ng Dagobah at doon ay sasailalim sa pagsasanay ng nawawalang Jedi master na si Yoda. Doon din magkakaroon ng bisyon si Skywalker hinggil sa tunay na katauhan ng kanyang ama na walang iba kundi si Darth Vader! Datapwa't di pa tapos ang training, tutulak si Luke papunta sa maulap na planetang Bespin. Samantala, uupa ang imperyo ng mga bounty hunters--sa pangunguna ni Boba Fett, anak ng nasirang si Jango--upang tugisin at hulihin nang buhay ang mga rebelde. Magkakatotoo ang mga pangitain ni Skywalker sa Bespin: ipagkakanulo sila sa imperyo ng kaibigang si Lando Calrissian, mapuputulan ng kamay si Luke sa espadahan matapos malaman ang katotohanan mula mismo kay Vader, at dadalhin ni Fett ang iladong labi ni Han Solo kay Jabba the Hutt--kung saan ay meron itong atraso at gantimpalang nakapatong sa ulo. Susunod dito ang mga kaganapan sa Shadows of the Empire na kinasasangkutan ng organisasyong Black Sun.



Episode VI: Return of the Jedi--may unang pamagat na "Revenge of the Jedi," ginamit sa halip ang orihinal na titulong ito sa Episode III dahil na rin sa panukalang tanging ang Sith--at hindi ang Jedi--ang naghahangad ng paghihiganti. Balik sa disyertong planeta ng Tatooine, itataya ni Luke, Lando, at Leia ang kanilang buhay upang sagipin ang kaibigang si Han Solo. Matapos makatakas ang mga rebelde at mabigti ni Leia si Jabba sa sarili nitong kadena, babalik si Skywalker sa Dagobah upang tapusin ang kanyang training. Dala ng katandaan ay sasakabilang-buhay na rin si Yoda tulad ni Obi-Wan at magiging kaisa ng Force. Bago pumanaw, kukumpirmahin nito ang katotohanang si Darth Vader nga ang ama ni Luke. Bukod dito, magpapakitang muli si Obi-Wan at ipagtatapat sa kanya na si Leia ang nawawala niyang kakambal! Samantala, mag-iipon ng lakas ang mga rebelde ng Alliance to Restore the Republic upang wasakin ang ginagawang pangalawang Death Star na lumiligid sa magubat na planeta ng Endor. Matapos ipagtapat ni Luke kay Leia ang tunay na relasyon nilang dalawa, isusuko niya ang kanyang sarili sa imperyo upang harapin ang kanilang ama at ang amo nito. Sa huling pagkakataon ay magduduwelo ang mag-ama at mananaig ang anak. Nguni't sa halip na tuluyan si Vader na naputulan muli ng kamay, patutunayan ni Luke na may natitira pang kabutihan sa amang si Anakin. Dahil dito, magagalit si Emperor Palpatine at kukuryentehin ng Sith lightning ang nakababatang Skywalker. Dito papatunayan ng nakatatandang Skywalker na di nagkakamali ang anak; susugurin niya si Sidious at ihahagis ito sa kanyang wakas sa malalim na elevator shaft. Natupad na rin ang propesiya at naibalik ang balanse sa Force. Sa tulong ng mga katutubong Ewoks, wawasakin ng mga rebelde sa pamumuno ng magkasintahang Han Solo at Leia Organa ang planetary shield generator na nagpoprotekta sa Death Star, habang pasasabugin naman ni Lando Calrissian ang walang-depensang battle station. Magdiriwang ang sandaigdigan at tatakal sa takilya ang dalawang trilohiya!



Kung akala mo'y magtatapos na ang istorya sa ikaanim na pelikula, nagkakamali ka. Patuloy ang pag-ikot ng unibersong SW sa mga lathalain ng Dark Horse komiks. Nandiyan ang muling pagtatatag ng republika sa ilalim ng bagong Galactic Federation of the Alliance of Free Planets, ang pagtugis sa mga nalalabing Imperials, ang pagdating ng mga World Devastators bilang panghalili sa Death Star, ang tangkang muling pagsilang ni Emperor Palpatine sa katawan ng anak nina Princess Leia at Han Solo, ang pagkamatay ni Chewbacca, at ang pagpapakasal ni Luke Skywalker sa isang dating mortal na kaaway.





Mula sa mga unang krokis (sketches) ng concept artist na si Ralph McQuarrie hanggang sa mga "camera tricks" ng special FX expert na si John Dykstra, mga computer-generated graphics ng ILM (Industrial Light & Magic), at mga inukit na modelong stop-motion--ito'y ilan lamang sa nilalaman ng kabanatang "behind the scenes" o "the making" ng mga pelikulang SW. Bahagyang sinulyapan din ang filmograpiya ng batikang SW direktor/ prodyuser/ manunulat na si George Lucas sa nakalipas na apat na dekada mula 1965 nang una siyang humawak ng kamera.







Salamat naman sa merchandising at naging bahagi na ng buhay ng maraming SW fans/ kolektor ang mga popular na karakter at imahe mula sa pelikula. Sumagi tuloy sa alaala ang ilang nasira kong laruang SW noong '80s at ang dalawang lumang booklet-catalog ng Kenner na tanging labi ng mga ito. Bukod sa pelikula at dahil na rin sa expanded universe ng SW, patuloy na lumalago at dumarami ang mga libro (tulad nito), nobela (pati fan fiction), komiks, laruan, programa sa radyo, cartoons sa TV, (piratang) DVDs, (piratang) video games, spin-offs, at samu't saring memorabilia't collectibles tungkol dito. Patunay na ang SW "meme" o mito ay mananatiling buhay para sa susunod na henerasyon.







"Three"via: Umiinog sa numerong "3" ang anim na pelikulang SW. May dalawang SW trilogy, Episodes IV-VI at Episodes I-III. Tatlong taon ang pagitan sa pagpapalabas ng unang trilogy: 1977, 1980, 1983. At gayundin sa ikalawa: 1999, 2002, 2005. Maituturing ding pasok sa post-modernismo't masining na pagbabalik-tanaw ang huling pagpapalabas ng back story (I-III) kaysa main story (IV-VI) ng epikong ito. Bukod dito, mapapansing mala-symphony ang bawa't trilogy sapagka't maihahalintulad ang Episodes V at II sa 2nd movement ng isang simponiya--mabagal (largo) at walang resolusyon, habang sa 3rd movement o climax pa lamang magkakaroon ng sinasabing closure.

2 comments:

  1. Tol panalo! Matagal ko nang pangarap magkaroon ng aklat na 'to. Maari mo ring makita ang munti kong Star Wars collection sa blog ko: http://talesfromthemoseisleycarinderia.blogspot.com/

    ReplyDelete
  2. thanks bro! will drop by your blog and follow it too ,-)

    ReplyDelete

Trip o dehins?