Tuesday, March 15, 2011

Wikipediang Tagalog: Punk, Etimolohiya (PinoyPunk.com)

http://pinoypunk.com My latest wiki entry: http://tl.wikipedia.org/wiki/Punk#Etimolohiya



Punk

Ang punk ay isang subkulturang kinabibilangan ng iba't ibang pilosopiya, ideolohiya, at porma ng ekspresyon sa musika, pananamit, sayaw, literatura, pelikula, at sining biswal na nagmula o naimpluwensiyahan ng tugtugang punk rock at mga subhenre nito. Maituturing itong kontra-kultura dahil maraming aspekto nito ang sumasalungat sa mga dominanteng pag-aasal at paniniwala ng lipunan.

Etimolohiya

Mula ika-16 hanggang ika-18 siglo ay popular na ang terminong "punk" sa Ingglatera na may negatibong kahulugan bilang "isang puta, patutot, butangero, gangster o sanggano". Gayundin ang pakahulugan ni William Shakespeare sa kanyang mga komedyang The Merry Wives of Windsor1 (1602) at Measure for Measure2 (1623). Di rin nalalayo ang pakahulugan ng mga modernong diksiyunaryong Ingles na "isang bagay o tao na inutil at walang kuwenta".

Sa Estados Unidos unang ginamit ang katawagang "punk rock" noong 22 Marso 1970 sa diyaryong Chicago Tribune nang ilarawan ni Ed Sanders (bokalista ng The Fugs) ang kanilang solo album bilang "punk rock--redneck sentimentality".3 Nailathala naman sa Disyembre 1970 isyu ng magasing Creem ang panunuya ng peryodistang si Lester Bangs nang ipalagay niya ang mga bandang mainstream "who never make fools of themselves the way that Stooge punk does" bilang paghahambing kay Iggy Pop (bokalista ng The Stooges).4 Si Dave Marsh ang unang kritiko ng musika na gumamit nito sa Mayo 1971 isyu ng Creem nang ilarawan niya ang bandang ? and the Mysterians bilang isang "landmark exposition of punk rock".5 Naisulat din noong 1971 ni Greg Shaw sa kanyang fanzine na Who Put the Bomp: "what I have chosen to call 'punk rock' bands--white teenage hard rock of '64-'66 (Standells, Kingsmen, Shadows of Knight, etc.)".6 Nagkaroon naman ng "Punk Top Ten" sa fanzine na Flash noong Hunyo 1972 bilang pagraranggo sa mga album na lumabas noong 1960s.7 Mayo 1973 nang lumabas ang panandaliang magasing pangkolehiyo na Punk ni Billy Altman.8 Mayo rin ng sumunod na taon, 1974, nirebyu ng kritikong si Robert Hilburn sa Los Angeles Times ang pangalawang album ng New York Dolls at nagbanggit na "perhaps the best example of raw, thumb-your-nose-at-the-world, punk rock since the Rolling Stones'..."9

Pagpasok ng 1975, ginagamit na ang salitang "punk" bilang pagkategorya sa kung sinu-sino at magkakaibang bandang rock sa Amerika. Kasabay nito ang pagsikat ng eksena sa isang rock club sa New York na kung tawagin ay CBGBs. Bagamat "street rock" ang bansag ng may-ari ng club na si Hilly Kristal sa nabubuong kilusang underground sa kanyang lugar, ang magasing The Aquarian ang nagbinyag dito ng katagang punk "to describe what was going on at CBGBs".10 Huling bahagi ng taon nang pumasok sa eksena ang fanzine na Punk (katukayo ng nauna) na sinimulan ng kartunistang si John Holmstrom, manunulat na si Legs McNeil, at pabliser nitong si Ged Dunn--na pawang magkakaklase sa hayskul. Krusyal ang pagpasok ng Punk sa eksena sapagkat ito ang nagkodipika ng nasabing termino. Ayon kay Holmstrom: "It was pretty obvious that the word [punk] was getting very popular. We figured we'd take the name before anyone else claimed it. We wanted to get rid of the bullshit, strip it down to rock 'n' roll. We wanted the fun and liveliness back."11

Reperensiya

1. "This punk is one of Cupid's carriers:..." sabi ng karakter na si Pistol.
2. "My lord, she may be a punk;..." at "Marrying a punk, my lord, is pressing to death,..." sabi ng karakter na si Lucio.
3. Shapiro (2006), p. 492.
4. Bangs, Lester. "Of Pop and Pies and Fun", Creem. Disyembre 1970.
5. Shapiro, p. 492.
6. Gendron (2002), p. 348.
7. Taylor (2003), p. 16.
8. Laing (1985), p. 13; "Punk Magazine Listening Party # 7", Punk Magazine, 20 Hulyo 2001.
9. Hilburn, Robert. "Touch of Stones in Dolls' Album", Los Angeles Times. 7 Mayo 1974.
10. Savage (1991), pp. 130-131.
11. Savage, p. 131.

Sanggunian

Gendron, Bernard (2002). Between Montmartre and the Mudd Club: Popular Music and the Avant-Garde (Chicago: University of Chicago Press).
Laing, Dave (1985). One-Chord Wonders: Power and Meaning in Punk Rock (Philadelphia: Open University Press).
Savage, Jon (1991). England's Dreaming: The Sex Pistols and Punk Rock (London: Faber and Faber).
Shapiro, Fred (2006). Yale Book of Quotations (New Haven: Yale University Press).
Taylor, Steven (2003). False Prophet: Field Notes from the Punk Underground (Middletown: Wesleyan University Press).

Kawing na panlabas

The First Wave of Pinoy Punk (1976-1990) http://pinoypunk.com

3 comments:

  1. may ganyan na pala ngayon? kakaiba ha ... namiss ko bigla yung wiki ah

    ReplyDelete
  2. "punks not dead" nadidinig ko to nung bata pa ako hahah

    ReplyDelete
  3. ey sweetkay! yup, may flipino wiki ,-)
    mek pre, punkista here hehehe ===>:-)

    ReplyDelete

Trip o dehins?